Unang patak..
Laway ko lang ‘yun.
Pangalawang patak..
Hindi pwede. Wala ako’ng dalang payong.
Ikatlo..Ikaapat..Ikalima..
Ayan na siya. Kailangan ko ng magmadali..
Mabuti na lamang at may nakita ako’ng isang waiting shed. At dun ay pumuwesto ako. Dito na lamang siguro ako magpapatila ng ulan. Ayoko sa lahat ay kapag umuulan. Ayoko. Ayokong-ayoko.
Kapag umuulan kasi..
Naaalala ko lang siya..
Pero sa di kalayuan..
Nakita ko siya…
Ang taong dahilan kung bakit ayoko sa ulan.
Ang taong dahilan kung bakit kumikirot na to’ng puso ko.
Ang taong dahilan kung bakit ayoko at takot na ulit akong..
Magmahal..
“Bakit ngayon pa? Bakit dito pa? Bakit ngayong umuulan pa?” At tuluyan ako’ng yumuko, umalis sa kinatatayuan ko. Di’bale ng mabasa ng ulan. Di’bale ng magkasakit. Ayoko lang silang masilayan.
Dahil mas gusto ko pa’ng magkasakit dahil sa ulan..
Kesa naman na maramdaman ko ang sakit..
Na limang taon ko ng tinatago..
—
“Sabi ko naman sa’yo magdala ka palagi ng payong eh.” Sabi sa’akin ng isang lalaking matatawag ko na kaibigan rito sa waiting shed ng aming paaralan.
“Nakakalimutan ko palagi eh. Malay ko ba’ng uulan pala.” Ganito na lang palagi ang eksena kapag umuulan at kasama ko siya.
Sisisihin niya ko kasi wala ako’ng dalang payong. Tapos mapipilitian siyang samahan ako sa waiting shed. Minsan naman kapag siya ang may dala ay pinapasulong na ko. Tapos sisisihin niya ulit ako kung bakit di ako nagdadala ng payong. Paano na lamang daw kung wala siya. At kung anu-ano pa. Pwes kung aakalain niyo kung ano ko siya.
Kaibigan..
‘Yan lamang ang masasabi ko’ng relasyon naming dalawa. Kaibigan. Hindi kailanman magiging kai-bigan.
Oo. Mahal ko ang loko-loko. Pagpasensiyahan na. Loka-loka din ako eh. Minamahal ko to’ng loko na ‘to. Kahit na alam ko’ng kaibigan lamang ang turing niya sa’kin.
Alam niyo ba kung san at pano kami nagkakilala?
—
Isang maulang hapon..sa waiting shed ng aming paaralan. Marami ang nagpapatila ng ulan. At siyempre. Hindi ako isa dun. May dala ako’ng payong. Takot lang ako’ng sumugod sa napakalakas na ulan. Ewan ko ba? May trauma na ata ako. Kapag kumukulog kasi o kaya’y kumikidlat eh kailangan nakatago na ko sa may kwarto ko. Ayoko kasi. Takot ako. Takot ako sa mga ganung bagay.
“May payong ka naman. Pero bakit ayaw mo pa’ng umalis? Gagabihin ka lang.” Di ko siya pinansin. Akala ko kasi ay di ako ang kausap niya. Kahit obvious na obvious na ako talaga.
“Ikaw kaya ang kausap ko. Di ako stranger. Parehas tayo ng istilo ng uniporme oh.” Tiningan ko siya. Oo nga, parehas kami. Parehas kami ng kursong kinukuha. Eh, ano naman? Wala ako’ng paki. Ayoko pa rin makipag-usap.
Dali-dali ko’ng binuksan ang payong ko at aalis na sa shed na ‘yun. Nang biglang may humawak ng braso ko.
“Miss Megan Chua. Pwede ba’ng makisabay?” Tinitigan ko lang siya. Aba! Ang lakas ng loob niya’ng makisabay. Eh alam lang niya pangalan ko. SIYA? Di ko nga siya kilala eh.
Tinanggal niya ang kamay niya sa braso ko. At hinanda ang kamay sa pagpapakilala. “Daniel Lim. Section 1B!” 1B? So, sa kabilang kwarto lang pala siya. 1A ako eh. Hanggang C lang naman to’ng course namin. Kaunti lang siguro ang nagnanais na maging accountant sa university na ‘to. Malay ko. Bilang lang kasi talaga kami.
“Sige. Sumabay ka na.” Ang tangi ko’ng sinabi at nakipag-kamay sa’kanya.
Napagalaman ko rin na malapit lang ang kanilang tahanan sa’amin. Mga dalawampung hakbang siguro? Di’bale na lang kung masyadong malaki ang hakbang mo o sobrang liit. Kapag normal lang kasi katulad ko. Mga 20 nga ang estimated.
Hinatid niya ko sa aming tahanan. At tumakbo naman siya papunta sa kanila. Nagpasalamat muna siya siyempre. At simula noon. Ginulo na niya ang mundo ko.
Araw-araw niya ko’ng pinupuntahan para sabay kami sa pagpasok. At minsan naman ay nagugulat na lang ako dahil naka-abang na siya sa labas ng aming classroom para sabay daw kaming mag-lunch. At sa huli. Naghihintay siya sa gate para naman sabay kaming umuwi.
Ganito ng ganito ang senaryo sa’aming dalawa. Kahit wala ako’ng kamalay-malay, pinapabayaan ko na lang. Maaari ko ba’ng tanggihan ang isang taong nakikipag-kaibigan lamang? Siguro eto na rin yung time para magtiwala ulit ako sa ibang tao. Yung maging maingay ulit ako. Simula kasi noong elementary ako, dahil sa nangyari sa’akin noon, di na ko nagtiwala pa. Naging mailap ako sa lahat ng bagay. Mas pinili ko ang mapag-isa.
Pero dahil sa isang loko-loko na ‘to. Na nagngangalang Daniel Lim. Ayun. Nagulantang na ko. Ginulo na niya ang mundo ko. Tinanggal niya ang takot ko. Pinaramdam niya ulit sa’akin kung gano kasarap ang mabuhay ng may kaibigan. Pero sa di inaasahan. Bigla ako’ng nakadama ng pag-ibig. Kahit mali. Kahit hindi dapat.
Nakikiayon na rin siguro ako sa panahon ngayon. Naiinlove na rin ako. Akala ko kailanman ay hindi ko na iyon mararamdaman. Akala ko hindi yun nage-exist sa’kin. Akalain mo’ng darating rin pala sa buhay ko ang pagkakataong ito.
“Hindi ka pa ba tapos magday-dream diyan? Tumitila na ang ulan. Pwede na tayong umuwi, hindi ba?” Kita mo ang loko. Ang lakas makabasag ng trip. Ang lakas ko na maka-emo dito. Bigla namang sisirain.
Ngumiti na lamang ako sa’kanya. “Tara na.”
—
“Hindi pwede! Hindi mo pwedeng kunin ang anak natin. Simula noong iniwan mo kami. Iniwan mo na rin ang responsibilidad mo, kaya wag ka ng magtangka pa’ng makukuha mo sa’kin ang anak ko!” Sabay baba ng phone. Eto nanaman. Narinig ko nanamang nagaaway ang aking mga magulang. Matagal ng hiwalay sina nanay at tatay. Pero di ko alam kung ano ang dahilan. Basta ang alam ko. Isang araw na lamang, iniwan na niya kami. Iniwan na niya ko.
“Kahit kalian, hindi ka sasama sa tatay mo, ha? Anak?” Ganito palagi ang sinasabi ng nanay ko kapag naririnig ko silang ganun. At katulad ng ginagawa ko. Tatango lang ako. At diretso ng aakyat sa kwarto ko. Magbibihis. At sisilip sa bintana. Dun ko makikita..na umuulan nanaman pala.
Kasabay ng pag-ulan na ‘yun.
Ay ang pagpatak ng mga luha sa’king mga mata.
Tuluy-tuloy. Walang tigil.
Patuloy lamang ‘to sa pagpatak.
Tuluy-tuloy. Walang tigil.
Bakit ba ko ganito? Hindi ko alam. Sawi na nga ko sa nararamdaman ko. Sawi pa ko sa pamilya ko. Haaaay. Ang buhay talaga.
Hindi ko inisip ang mga problemang iyon kapag kasama ko si Daniel. Magaan sa loob ko ang kasama siya. Napapangiti niya ako. Napapatawa. Humahalakhak ako. Naiiyak ako sa tuwa.
Ang loko-loko. Kaya minamahal ko ‘to eh.
—
“Paano kung one day, umalis ako. Mamimiss mo ba ko?” Tanong ko sa’kanya out of the blue. Naisip ko lang. Paano kaya kung tanggapin ko ang alok ng tatay ko? Paano kaya kung tanggapin ko yung pagpapaaral niya sa’akin sa ibang bansa? Paano kaya kung pumayag na si nanay tungkol dun? Kaya ko ba’ng iwan si Daniel? Mamimiss niya ba ko?
“Oo naman. Mawawalan ako ng aasarin. Ang boring ng buhay ko kapag ganun.” Pinilit ko na lamang ngumiti sa sinabi niya.
“Ano’ng gagawin mo? Kung talagang aalis na ko?” Tanong ko ulit sa’kanya.
“Hihintayin kita. Kahit gaano man katagal ‘yon..” Lihim ako’ng napangiti dahil sa sinabi niya. Ang feeling ko kasi. Napaka-special ko rin sa’kanya. Umamin na kaya ako? Wala namang masama kung umamin di’ba?
“Daniel?”
“Bakit, Megan?”
“Ma–.” At bigla namang bumuhos ang malakas na ulan.. Ang sama talaga ng timing mo, ulan.
—
Hindi ko na nasabi kay Daniel ang dapat ko’ng sabihin. Umuwi na lamang kami at tila nakalimutan na rin niya na may sasabihin dapat ako. Siguro hindi lang ‘yun ang tamang panahon para sabihin ‘yun.
Pagpasok ko sa aming tahanan. Nakita ko’ng nakaupo ang aking tatay sa sofa at maging ang aking nanay. Nakita ko rin ang maleta ko. Kinabahan ako bigla. Eto na ba yung sinasabi ko kanina? Tumayo silang dalawa pagkakita sa’kin. Nilapitan ako ni tatay at niyakap. “Na-miss kita, anak.” Ang katagang narinig ko mismo sa’kanya. Bumitaw siya sa pagkakayakap at lumapit naman si nanay sa’kin.
“Sasama ka sa tatay mo. 5 taon. 5 taon lamang ang ilalagi mo doon, anak. Tandaan mo ‘yan.”
“Pero, paano ka na po, ‘nay?”
“Wag mo ko’ng aalalahanin, ‘nak. Magiging mabuti ang lagay ko rito.” Hindi ko alam. Pero kasabay muli ng malakas na pag-ulan noon. Ay ang tuluy-tuloy na pagtulo ng luha ko.
Sadyang mababaw nga lang siguro ang mga luha ko. Madali silang pumapatak. Minsan hindi ko pa alam ang dahilan kung bakit ito pumapatak. Basta ang madalas. Kasabay ng pagpatak ng ulan..ay ang mga luha ko.
Bigla naming pumasok sa isipan ko si Daniel. Kaya ko nga ba’ng iwanan siya? Ayaw ko man siya iwanan, maging ang nanay ko. Pero planado na ang lahat. Wala na ko’ng takas. Di na pwedeng magwala pa ko rito. Hiniling ko na puntahan muna si Daniel. Ngunit di ako pinayagan. Konting oras na lang daw kasi ay kailangan na naming umalis. Kaya ang tanging ginawa ko na lamang ay ang sulatan si Daniel. Bulok man sa panahon ngayon. Alam ko na ito ang pinaka-sincere na dapat ko’ng gawin ngayon para kay Daniel.
Daniel,
Kasabay ng malakas na pag-ulan, ay ang pag-alis ko. Eto na. Eto na nga ang sinasabi ko. Mamimiss mo ko di’ba? Hihintayin mo ko di’ba? Aasahan ko ‘yan, Daniel. Hintayin mo ko. Babalikan kita. Sana’y tuwing umuulan ay maalala mo ako. Abnormal man ang panahon, pinagtagpo naman tayong dalawa. At pinasasalamatan ko ang ka-abnormalan ng panahon dahil sa nakilala kita. Nakilala ko ang taong nagpagulo ng mundo ko ulit. Nakilala ko ang taong nagpabagyo sa buhay ko. Salamat Daniel. At kahit loko-loko ka, minamahal naman kita. Oo, tama ka diyan pare. Mahal kita. Matagal na. Pero natatakot lang ako. Alam ko’ng huli na pero sana naman ay naramdaman mo yung pagmamahal ko. Ikaw? Kaibigan lang ba talaga? Kaibigan man o hindi. Aasa ako sa sinabi mo. Hihintayin mo ko. At babalikan kita. I love you, Daniel. ♥
Megan.
Pinabigay ko naman ‘yun sa aking nanay. Umalis na kami ni Tatay pagkatapos non.
Tandaan mo, Daniel. Hihintayin mo ko. At babalikan kita.
—
Umiiyak ako sa ulan. Hindi ko kaya. Hindi ko kaya na matapos ang lahat ay eto lamang ang mangyayari sa’akin. Naging matagumpay nga ang pag-aaral ko sa ibang bansa ngunit pagkadating ko naman dito. Dala ko pa rin ang pag-asang hinihintay ako ni Daniel.
Naibigay daw ni nanay ang sulat. Mangiyak-ngiyak pa nga daw si Daniel habang binabasa iyon. Pinarating niya sa’kin na ganun din ang nararamdaman niya. At totoong hihintayin niya daw ako.
5 taon din ang lumipas.
Dala-dala ko pa rin ang pag-asang iyon. Dala-dala ko pa rin ang pangakong iyon. Dala-dala ko pa rin ang pag-ibig ko kay Daniel.
Kamusta na kaya siya? Accountant na rin ba siya? Ano na kayang itsura niya?
Hinintay niya ba ko?
Mahal niya pa rin kaya ako?
Nung oras ng pag-uwi ko. Siya agad ang pumasok sa isip ko. Kaya napagpasuahan ko’ng puntahan siya sa kanialng tahanan. Balak ko siyang sorpresahin sa pagdating ko. Nakita ko siya noon na nakatayo sa may harapan ng kanilang tahanan. Nakikinig sa kanyang mp3 player. At tila kumakanta pa. Napangiti ako dahil sa nakita ko.
Hindi pa rin kasi siya nagbabago.
Lalapit na sana ako pero naunahan ako ng isang babae. Niyakap niya ito. At bakas sa mukha niya na Masaya siya. Masaya siya sa piling ng iba.
Akala ko ba maghihintay ka?
Akala ko ba…mahal mo din ako?
Pero bakit ganun?
Bakit tila ay nag-iba ka. Hindi TILA. Talagang nag-iba ka na. </3
Tumalikod ako nun. Di ko kasi kayang makita kayo.
—
Simula nung araw na ‘yon. Di na ko nakibalita sa’kanya. Sapat na ang makita ko siyang masaya na sa iba. Kahit ako, eto. Parang tangang umasa lang sa wala. Kaya naiirita ako kapag tuma-timing yung pag-ulan tapos nakikita ko pa siya eh. Siguro. Kasama na sa tadhana namin ang pag-ulan tuwing nagkikita kami. Kasabay kasi ng pag-ulan..
Unti-unting pumapatak din ang mga luha ko.
Na sa tuwing umuulan..
Siya palagi ang naiisip ko.
“Bakit ka nanaman nagpapaulan? Wala ka’ng payong? O para matago mo ya’ng pag-iyak mo?” Sabi ni Renzy. Ang ka-trabaho ko.
Tumingin naman ako sa lugar kung asan si Daniel.
“Wala kasi ako’ng payong..” nakita ko naman ang pagtingin ni Daniel. Pero umiwas ako ng tingin.
“Halika na. Tama ng umasa ka sa wala. Huwag mo na lang kalimutan ang payong mo palagi.” At ngumiti siya sa’akin.
Tama na ang limang taon na ako lang ang naghintay. Umaasang may babalikan rin ako.
Unang patak. Ikalawa. Ikatlo.
Ikaapat. Ikalima.
Umuulan nanaman..
Tama ng naalala kita tuwing umuulan..
Tama na ang pagsabay ng luha ko sa pagpatak ng ulan..
Tama na. Di ko na kaya.
“Hihintayin kita. Kahit gaano man katagal ‘yon..”
—